CAGAYAN DE ORO CITY, Philippines – Magiging obligado na ang mga empleyado ng City Hall ng Cagayan de Oro, mga pinuno ng departamento, at mga opisyal na magsuot ng kasuotang Filipiniana tuwing araw ng Lunes base sa circular na inilabas ng Civil Service Commission (CSC).

Ayon kay City Administrator Roy Hilario Raagas, ipapatupad ang dress code sa lahat ng pamunuang tanggapan, mula sa Office of the City Mayor hanggang sa Human Resources Management Department, maging sa 46 departamento at opisina ng City Hall.

Sinabi ni Atty. Raagas sa mga empleyado na saklaw ng CSC order ang lahat ng pambansang ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan, kung kaya’t obligado ang lahat ng dadalo sa Flag Raising Ceremony na magsuot ng Asean-inspired at Filipiniana attire.

Nilinaw naman ng administrador na ang dress code na Asean-inspired attire ay tuwing unang Lunes ng buwan lamang, samantalang ang susunod na Lunes hanggang sa huling Lunes ng buwan ay dapat magsuot ng Filipiniana attire ang mga empleyado.

Ang mga trabahante mula sa ospital kagaya ng city-owned JR Borja General Hospital ay bibigyan ng exemption.