CAGAYAN DE ORO CITY – Kakulangan ng tinawag na ‘meritocracy’ ng mga botante kaya nanatili sa poder ang ilang mga pamilya ng politiko kahit hindi na ginusto ng publiko na malagay sa mga katungkulan sa loob ng pamahalaan.
Ito ang reaksyon ng grupong Citizens Watch for Good Governance (CWGG- 10) sa pasabog ni Vice President Sara Duterte na tatlo sa miyembro ng kanilang pamilya na sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at dalawang kapatid lalaki na si Davao City 1st District Congressman Paolo Duterte at City Mayor Sebastian Duterte ang sabay na sasabak ng pang-senador na halalan sa susunod na taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni CWGG 10 convenor Atty. Antonio Soriano na hindi ito kumbinsido na tutuhanin ng mga Duterte na lahat sila tatakbo ng katulad na posisyon.
Sinabi nito na hindi rin masisisi kung bakit laganap ang families of politicians na nasa posisyon sapagkat mismong mga botante rin ang nagkulang dahil nasilaw ng kaunting halaga lang ng pera kada-halalan.
Bagamat kabilang ang kanilang grupo na nabigla sa anunsyo ni VP Sara subalit sobrang liit ng posibilidad na maisakatuparan ito ng mga Duterte dahil sa hirap tanggapin ng publiko.