CAGAYAN DE ORO CITY – Kalunos-lunos ang sinapit ng isang pahinante matapos magulungan ang kanyang ulo ng kanilang tanker truck sa Sayre Highway, New Ilocos, Dalwangan, Malaybalay City Bukidnon.

Kinilala ang biktima na si John Carls Asparas, 32, binata, nakatira sa Purok 3, Bangcud sa naturang lungsod.

Base sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo, na habang tinulungan ng biktima na maka manuever ang kanilang truck ay bigla itong nawalan ng kontrol at nahulog na nagresulta sa madugong insidente.

Nilinaw naman ni Malaybalay City Police Station Commander Lt. Col. Jerry Tambis na wala namang personal na away ang biktima at driver na si Allan Galacio, 28, may asawa at residente sa Purok 8, Brgy Kalasungay sa kaparehong siyudad.

Naisampa na ang kasong reckless imprudence resulting to homicide laban sa truck driver.