CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi na kailan man masisilayan pa ng publiko si United States Allied Freedom Fighters of the East (USAFFE) founder Atty Ely Pamatong na maghahain ng sertipiko de kantidatura ng pang-panguluhan na halalan sa bansa o kaya’y magsagawa ng anumang eksena mayroong kaugnayan sa usaping politika sa bansa.
Ito ay matapos kinompirma ng tapagpagsalita na si Rameses Javier Casten ang pagpanaw nito dahil sa ‘cardiac arrest’ habang nasa kanyang headquarters sa Pampanga.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Casten na ikinalungkot nila na ibalita sa publiko lalo sa mga suporter ni Pamatong na tubong Cagayan de Oro City na tuluyan nang pumanaw sa edad 78 ang kanilang pinuno na isa rin sa mga matapang na kritiko sa liderato ni President Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Casten na bago umano pumanaw si Pamatong na ilang beses nadeklara na ng Commission on Elections bilang ‘nuissance candidate’ ay ibinilin nito sa kanyang mga kapanalig na isailalim ito ng cremation at ililibot ang kanyang mga abo kanyang nasasakupan sa buong bansa.
Dagdag nito na gusto rin umano ni Pamatong na walang babaguhin na liderato at manatili na magsilbing pinuno ng kanilang grupo para maiwasan ang pag-aagawan ng mga bagong uupo.
Una nang isini-sekreto sana ng kapanalig ng Pamatong ang kanyang pagpanaw subalit naungkat ito nang hinanap ng mga taga-media sa unang araw ng certificate of candidacy filing para sa 2022 elections sa Comelec kahapon.