CAGAYAN DE ORO CITY – Walang mapaglagyan ng kaligayan na naramdaman ng pamilya Paalam nang dinomina ni world no.5 at Olympian Carlo Paalam ang rank 9 na si Japanese boxer Ryomei Tanaka sa Olympics 2020 semi-final round sa Tokyo City,Japan kaninang hapon.
Ito ay matapos nagtala ng impresibong panalo si Paalam laban kay Tanaka upang masiguradong maangkin ang silver medal at uusad sa final bout sa Olympiada sa darating na Sabado.
Sinabi ng kanyang pangatlong kapatid na babae na si Charmalyn Paalam na hindi nila inaasahan na aabot sa ganoong yugto ng tagumpay si Carlo ng kanyang boxing career.
Inihayag ni Charmalyn na dahil rin sa mataimtim na pagiging malapit ni Carlo sa Diyos ay binigyan ito ng maraming biyaya upang makaahon mula sa sobrang hirap ng kanilang buhay.
Una nang napaikyat ang ilan sa mga kaanak ni Paalam maging ang nobya nito na si Stephanie Sepulveda na kasamang actual na nanonood sa laban.
Katulad pa rin ng inaasahan,ikinatuwa ni City Mayor Oscar Moreno na siyang nagbigay pagkakataon na madiskobre at mahubog ng husto ang talento ni Paalam sa boksing nang malaman nito na fighting for gold na ito sa Olympics sa darating na Sabado ng hapon.