CAGAYAN DE ORO CITY – Pinasisinungalingan ni Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno ang akusasyon na inipit nito ang “quick response fund” ng lokal na pamahalaan na siyang gagamitin na pondo sa pagtugon laban sa sakit na coronavirus (Covid-19).
Sinabi ni Moreno na may mga proseso siyang sinusunod sa paggastos sa P90 million calamity fund budget ng lungsod at sinisiguro nito na maigugol ang nasabing halaga sa mga priority items lalo pa’t walang makapagsasabi kung hanggang kailan matapos ang Covid crisis.
Ang P90 million ay siyang 30% ng P340 million calamity fund budget ng lungsod kung saan P28 million nito ay naggamit na sa pambili ng mga alcohol, face mask, gamit ng mga frontliners, pang-disinfect at iba pang equipment at supplies.
Ngunit sinabi nito na hindi pa ito sapat na pondo bilang pantugon para labanan ang nasabing virus kung kaya’t humingi siya ng karagdagang 500 milyon pesos na supplemental budget.
Ayon sa alkalde nasa 750,000 ka tao ang populasyon ng Cagayan de Oro kung saan 40,000 sa mga ito ay nabibilang sa poorest of the poor na tatanggap ng tag-P6,000 sa loob ng dalawang buwan maliban pa sa mga na-displaced na mga kawani at pamilya dahil sa COVID-19 pandemic kung kaya’t kailangan niya ng karagdagang pondo.
Kung maalala, nagbigay ng tig- P111,000.00 sa bawat Barangay Kapitan si Moreno upang gamitin na pasiunang tulong sa mga apektadong residente sa Covid-19.
Una nang kinwestiyon ng mga kritiko ni Moreno kung saan napunta ang Emergency Welfare and Crisis Intervention Fund at Intelligence Fund ng lungsod at bakit nanghingi pa ito ng karagdagang P658 million na pondo para sa Covid crisis.