CAGAYAN DE ORO CITY – Gusto ngayon ng pamilya Dormitorio na masasaksihan kung paano ipapatupad ang batas ng anti-hazing law sa loob ng Philippine Military Academy (PMA) kung saan taun-taon tumatanggap ng daan-daang mga kadete na naghahangad maging army officials sa bansa.

Ito ang inihayag ng pamilya ni late PMA Cadet 4th Class Darwin Dormitorio habang ikinagalak ang hakbang ni Cagayan de Oro 2nd District Rep Rufus Rodriguez na naghain ng panukalang batas na gawing heinous crime ang hazing.

Ginawa ni Dexter Dormitorio ang pahayag alinsunod rin sa naka-pending na gagawing imbestigasyon ng Kamara sa sinapit na grabeng pagmaltrato ng PMA uppperclassmen kay Darwin hanggang sa namatay ito noong Setyembre 18.

Inihayag ni Dormotirio na lahat ng mga hakbang na magpapalakas ng mga batas upang matigil na ang hazing sa PMA ay mainit na sinu-suportahan ng kanilang pamilya.

Si Dexter Dormitorio

Una nang kinompirma ng pamilya na hawak na nila ang draft ng kasong isasampa ng PNP-Baguio City laban sa mga kadete na nasa likod nang agarang pagkamatay ni Darwin habang nasa pangangalaga ng PMA.