CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi na idinaan sa nakaugalingan na kultura at tradisyon ng paniniwalang Islam ang paglibing ng Patient No.40 na nagmula sa Ganassi, Lanao del Sur na unang pumanaw dahil nahawaan ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Ito ay upang mapabilis ang paghatid ng huling hantungan ng 54 anyos na biktima at maiwasan na magdulot ng sobrang pangamba mula sa publiko dahil sa paniniwala na makahahawa pa ng ibang mga kaanak at mga residente sa Northern Mindanao.
Inihayag sa Bombo Radyo ni Department of Health (DoH-10) regional director Dr Adriano Suba-an na dumaan sa negosasyon ang pagpapalibing ng biktima.
Ipinaliwanag nito na kung masusunod lang sana ang gobyerno ay isailalim ang mga labi ng biktima sa cremation.
Subalit dahil isang Maranao-Muslim ang biktima ay sinunod ng gobyerno ang ilang tradisyon mailibing lamang ito sa syudad.
Kabilang sa napagkasunduan na limitahan lamang ang mga kaanak at kaibigan na sasama sa libing at hindi na rin ng gagamitan ng kabaong.
Magugunitang may kumakalat na mga larawan ng inilibing na ang bangkay ng biktima sa isang pampublikong sementeryo ng lungsod subalit hindi ito makompirma dahil walang sinuman mula sa DoH-10 at CdeO COVID-19 ang nagbigay kompirmasyon kung totoo ito.
Namatay ang biktima kagabi dahil sa iniinda na acute respiratory distress syndrome mula sa severe pneumonia habang naka-confine sa Northern Mindanao Medical Center ng ilang linggo.