CAGAYAN DE ORO CITY – Umaasa ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr na makamtan na ng gobyerno ang tuluyang pagsilbing insurgency free ng bansa.
Kaugnay ito sa naging motibasyon ng Philippine ‘commander-in-chief’ dahil nagbunga ang lahat ng mga pagsisikap ng provincial government katuwang ang ilang national government agencies para magsilbi nang insurgency free ang lalawigan ng Misamis Occidental sa bahagi ng Northern Mindanao region.
Sinabi ni Marcos na nagsilbing panauhing-pandangal ng aktibidad na nakakapagbigay inspirasiyon ang naabot ni Misamis Occidental Governor Atty. Henry Oaminal na tuluyang masawata ang kilusang armado sa kanilang probinsya.
Kumpiyansa ang pangulo na hindi na magtagal ay makuha rin ng pamahalaan ang pagiging insurgency free ng buong bansa.
Magugunitang nabanggit ni Marcos sa mga nauna niyang mga pahayag na dapat matapos na sa loob ng taong kasalukuyan ang kilusang armado habang aktibo pa ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na nakitaan na epekto paglipol ng insurhensiya.
Napag-alaman na sa natitirang ‘weakened guerillas’ ng komunistang grupo ay kabilang ang lugar sa Mindanao na mayroon pang tinatrabaho ang gobyerno partikular sa Caraga region na sakop ng area of operation ng 4ID,Philippine Army.