CAGAYAN DE ORO CITY- Hindi basta-basta makapasok ang ilang banyaga na illegal drug dealers upang makapagtayo ng mga pagawaan o laboratoryo ng shabu sa alinman na bahagi ng Lanao del Sur.
Ito ay sa kabila ng matagal na umuugong na mga impormasyon na mayroong nakatago na pagawaan ng shabu sa probinsya dahil sa palagi nababanggit ang Marawi City na pinagmulan ng suplay na nakarating sa ibang bahagi ng Mindanao.
Ginawa ni Philippine Drugs Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-BARMM) regional director Juvinal Azurin ang paglilinaw kaugnay sa nahuli na suspected druglords na nakunan ng isang kilo ng pinaniwalaang shabu sa Marawi City nitong linggo.
Sinabi ni Azurin sa Bombo Radyo na hindi susugal ang mga foreign illegal drug operators partikular ang mga Taiwanese at Chinese dahil sa isyu na rin ng kanilang seguridad.
Inihayag ng opisyal na kung totoo na mayroong pinatakbo na mga laboratoryo ng shabu ay pinagtulungan na sana itong nilusob ng mga otoridad.
Dagdag ni Azurin na ang mga shabu na pumasok sa Marawi City ay hindi ginawa sa anumang bayan ng Lanao del Sur subalit nagmula umano ito sa National Capital Region at Zamboanga Peninsula.
Magugunitang nahuli ng joint operations ng PDEA kasama ang militar at pulisya ang mga suspek na sina
Alexander Aliponto sa Tamparan,Lanao del Sur at Adam Pandiin ng Marawi City kung saan nakompiska ang 2.2 milyong piso ng suspected shabu noong Agosto 22.