CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi na umano matutuloy ang isinulong na usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Ito ay sa kabila ng unang sinabi ng Pangulong Rodrigo Duterte na bibigyan nito ng pagkakataon ang grupo ni CPP founder chairman Jose Maria Sison na makig-ayos sa gobyerno at pag-usapan ang maraming social issues na umano’y kanilang isinusulong.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi naman umano seryoso ang mga komunista at ginamit lamang ang usaping peacetalks para i-abante ang kanilang pansariling interes na makahawak ng katungkulan.
Inihayag ni Lorenzana na kahit umaabot pa sa 100 taon na pag-uusap kung hindi naman sensiro ang mga komunista ay uusbong pa rin umano ang kaguluhan.
Ito ang dahilan na kung si Lorenzana ang tatanungin ay hindi na ito bukas pa na bigyang pagkakataon na aatupagin ang grupo ni Sison dahil sa kawalan ng sensiridad.
Magugunitang unang sinabi ni Duterte na handa itong makipag-usap ng personal kay Sison lalo na kapag isasagawa ito mismo sa Pilipinas at hindi sa ibang bansa.