CAGAYAN DE ORO CITY-Wala umanong kinasangkutan na anumang anomaliya ang pagsilbing regional vice president ni Masiding Alonto Jr sa Philhealth Northern Mindanao.

Depensa ito ni Philhealth regional spokesperson Merlyn Ybanez kaugnay nang pagkabulgar sa pangalan ni Alonto na kabilang sa mafia group na tinukoy na humawak sa nagiging galaw o mga programa ng ahensiya.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Ybanez na totoong 20 taon nang nakaupo sa tungkulin si Alonto sa rehiyon subalit kailanman umano ay hindi ito nasangkot sa anumang anomaliya na kinaharap ng ahensiya.

Una rito,ibinulgar ni dating Philhealth president Dr Roy Ferrer at resigned board member Roberto Salvador na kaya hindi umano makagalaw ang mga reporma at program ng ahensiya ay dahil sa mafia group.

Subalit sagot naman ni Ybanez na nagsilbing anti-fraud ang regional vice presidents ng ahensiya na kinabilangan ni Alonto kaya pinag-initan sila ni Ferrer at pilit inilipat sa ibang lugar na walang nagawa na konsultasyon.