CAGAYAN DE ORO CITY – Pinasisimulan na ni Defense Secretarty Delfin Lorenzana ang pag-aaral at paghahanap ng posibleng kapalit na mga bansa na makakasama ng Pilipinas sa military capability trainings upang labanan ang insurhensiya at terorismo sa bansa.

Ito ay kasunod nang tuluyang pagpapadala ni DFA Secretary Teodoro Locsin Jr ng termination notice sa United States Embassy na nakabase sa bansa bilang hudwat ng opisyal na pagputol ng ugnayang Amerika at Pilipinas sa Visiting Forces Agreement (VFA).

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Lorenzana na dahil sa kawalan ng military trainings kasama ang US troops ay mapipilitan ang Pilipinas na maghahanap ng karatig bansa na intresado na makipagtulungan para sa security at defense enhancement.

Inihayag ng kalihim na maging ang pagkakaroon ng modernong kagamitan na pantapat laban sa kilusang terorismo partikular sa Mindanao ay kabilang sa inaaral para hindi mapuputol ang pagtugis sa mga terorista.

Si Defense Secretarty Delfin Lorenzana

Una nang kumbinsido si Lorenzana na wala nang silbi ang VFA na dahilan na suportado nito ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.