CAGAYAN DE ORO CITY – Natakot man siyang mamatay ngunit ipinapasa-Diyos na ng Pinay nurse ang kaniyang buhay matapos nag-positibo sa coronavirus disease o Covid-19 sa Paris, France.
Siyam na taon nang nagtatrabaho bilang nurse sa isang government hospital si Arlou Anne Klein Mangantil-Marsal na tubong Pampanga subalit naninirahan na sa Pransya.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Marsal na napagtanto niya habang naka-confine sa hospital kung gaano kaikli ang buhay.
Umabot pa sa punto na kinikwestyon niya ang Panginoon kung bakit siya pa ang nadapuan sa nasabing virus lalo pa’t hindi pa siya handang lisanin ang mundo at iwan ang kaniyang pamilya.
Aniya, hindi madali ang magpositibo sa Covid-19 dahil 10 araw siyang nakakaranas ng mataas na lagnat kung saan umabot na sa 40 degree celsius at hindi niya maigagalaw ang kaniyang katawan kahit pa mild case lang ang kaniyang nararamdaman.
Dagdag pa nito na kapag madapuan kana sa virus, ikaw lang ang makakatulong sa sarili mo na palakasin ang iyong immune system upang maka-survive.
Umaasa ang Pinay nurse na magsilbing leksyon sa mga tao ang kaniyang karanasan na kailangang sundin at igalang ang patakaran ng gobyerno na “Stay at Home” upang makaiwas sa virus.
Sinabi nito na kung hindi lamanng siya nurse, hindi sana siya madapuan ng nasabing sakit.
Sa ngayon hinihintay na lamang ni Marsal ang isang linggo para maging ganap na Covid-free.
Nilinaw din nito na babalik siya sa kaniyang trabaho bilang frontliner sa kabila ng kaniyang naging karanasan.(With reports of Bombo Jane Buna).