CAGAYAN DE ORO CITY – Hinahangad hindi lamang ng kanyang sariling pamilya pati ng mismong mga miyembro ng Philippine Table Tennis Federation (PTTF) ang tuluyang pagka-rekober ng pinakaunang Olympian ng larong pingpong ng Pilipinas na si Ian ‘Yan-Yan’ Lariba.

Ito ay matapos magpakita at bumisita si Lariba, kasama ang kanyang ina na si Mel, sa Rizal Memorial Sports Complex ilang linggo mula nang makalabas sa mahigit isang buwang pagkakaospital dahil sa sakit na acute myeloid leukemia.

Sinabi ni PTTF president Ting Ledesma na nais nila na muling makita si Lariba na makapaglaro dala ang malaking inspirasyon para sa mga kabataan na nais tahakin ang mundo ng table tennis.

Inihayag din ni Ledesma na kung nanaisin ni Lariba na maninilbihan sa mundo ng sports goverment service ay nakahanda sila bigyan ito ng trabaho bilang national coach ng larong table tennis.

Bagamat wala pang komento si Lariba ukol sa offer ng ahensya, batid naman sa mukha nito na ito ay masaya.

Una rito, ipinaabot ni Lariba ang kanyang personal na pasasalamat sa gobyerno, pribadong sektor at mismong sa International Federation of Table Tennis Federation na nanguna para malikom ang $30,000 dollars na pondo.

Si Lariba na tubong Cagayan de Oro ay patuloy na nagpapagaling at sumailalim ng day-to-day medical procedures matapos maging magtagumpay ang bone marrow transplant para labanan ang leukemia.
Magugunitang taus-puso rin pinasalamatan ng pamilyang Lariba ang tanggapan ni City Mayor Oscar Moreno;MisOr Cares Systems ni Misamis Oriental Gov Bambi Emano;CdeO 1st District Rep Rolando Uy;table tennis players mula Visayas-Mindanao at private personalities dahil sa ipinaabot nila financial support.