CAGAYAN DE ORO CITY – Pagkain ng preskong gulay at pag-inom ng mainit na tubig na mayroong nakahalo na asin ang naging panlaban ng Pinay worker upang hindi manaig ang Coronavirus Disease (COVID-19) na nakuha nito sa kasamahan ng bahay sa Milan City,Italy.

Photos from Luz Abad’s Facebook

Ito ang ginawa na pagsalaysay ng Bombo Radyo international news correspondent Luz Abad kung paano tinakasan ang banta ng bayrus noong nakaraang buwan ng Marso 2020.

Inihayag ni Gng Abad na una itong nakaramdam ng pagsakit ng lalamunan at dumapo rin ang mataas na lagnat na tumagal ng isang linggo.

Kuwento nito na hindi umano siya pinahintulutan ng doktor na maisugod sa ospital upang magtingin dahil punong-puno noon ng mga pasyente na mas mapanganib na ang kalagayan.

Ito ang dahilan na minabuti nito na sa bahay na lamang mananatili at isagawa ang payo ng kaniyang personal doctor kung ano ang nararapat gawin upang mapahupa ang kanyang lagnat at panghihina ng katawan.

Naniniwala ito na ang panay na pag-inom nito ng tubig maligamgam na mayroong asin at pagkain ng preskong gulay ang nakatulong sa kanya para mapalakas muli ang immune system nito.

Katunayan,tatlo sila ng pamilya na sabay-sabay na nahawaan ng sintomas ng COVID-19 subalit hindi sila nagpa-apekto bagkus ay binilisan nila ang pagsagawa ng self-medication hanggang sa tuluyang maka-rekober.