CAGAYAN DE ORO CITY – Bagamat tinutugis pa ng militar ang grupo ni Dawla Islamiyah Maute Group leader Faharudin Hadji Satar alyas Zacaria at mga kasamahan subalit inihanda na ng pulisya ang patung-patong na mga kasong kriminal na ihahain nila sa piskalya sa Marawi City,Lanao del Sur bukas.
Ito ay matapos naaresto ng government state forces ang siyam sa mga kaanib ni Satar na kabilang sa nakikipag-engkuwentro habang isisilbi sana ang dalawang warrant of arrests laban sa mga terorista.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Lanao del Sur Provincial Police Office Director Col Rex Derilo na nais sana nila ipasuko si Satar subalit papapunta lamang sila sa hideout ay mga bala na mula sa mga kalaban ang sumalubong sa tropa ng gobyerno bagamat wala namang naiulat na sugatan.
Inihayag ni Derilo na dahil sa pagtulong ng siyam na suspected terror members para makatakas si Satar ay kasama ang mga ito na sasampahan ng kasong illegal possession of firearms,possession of explosives,direct assault at maging paglabag sa Anti-Terror Law.
Si Satar ay ang panglawang pinuno ng grupo matapos napaslang rin ng militar si Obwaydah Marohombsar alyas Abu Dar na kabilang sa matinding nakikipag-bakbakan sa govt state forces nang inu-okupa ng Maute-ISIS group ang Marawi City higit apat na taon na ang nakalipas.
Maliban sa nagkahuli nina Camaroden Tindug, 52; Sabdullah Sarip, 36; Oter Macaungun, 35; Alisood Dima, 52; Sowaib Abdullah, 18; Saaduden Adapun, 30; Zaenal Abdulatip, 33; Aleem Salih Pitiilan, 45,Asnare Alisood, 20 na kapwa mga residente sa lugar ay nakompiska rin ang dalawang M-16 rifles, 3 M16 magazines na may mga bala, carbine, dalawang 45 calibers,dalawang base radios, 6 na portable radios, 6 touch screen cellphones, 7 keypad cellphones, laptop, dalawang USBs, improvised explosive device at propaganda materials.