CAGAYAN DE ORO CITY – Pinatawan ng indefinite closure ang Republic Biscuit Corporation (Rebisco) dahil sa ilang beses na paglabag ng Republic Act 9275 (Clean Water Act) habang nag-ooperate sa Barangay Alae,Manolo Fortich,Bukidnon.
Ito ay matapos lagpas mula 50 milligram per liter standards ng bio chemical oxygen demand ang dumi na tubig ng water treatment facility ng kompanya na ibinuga naman sa malaking ilog sa nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni DENR-EMB 10 regional director Reynaldo Degamo na sa tatlong ginawa na waste water sampling na ginawa ng ahensya ay parehong lagpas ang presensya ng dumi sa tubig ng kompanya na umaabot sa 2,235 milligram per liter standards kaya ipinatupad ang cease and desist order (CDO).
Inihayag ni Degamo na bagamat aminado ang kompanya sa kanilang kakulangan kaya nagpataw ang gobyerno ng indefinite closure habang nire-resolba pa ang usapin.
Bagamat ikinalungkot ng ahensiya na maapektuhan ang libu-libong trabahante ng planta subalit hindi rin maaring maisakripisyo ang kalusugan ng mga residente sa lugar.
Magugunitang maliban sa Rebisco na pansamantalang ipinasara,pinatawan rin ng ahensiya ng CDO ang isang piggery na nakabase sa Malaybalay City,Bukidnon dahil pa rin sa katulad na paglabag ng batas nitong linggo lamang.