CAGAYAN DE ORO CITY – Mananagot pa rin sa mga umiiral na batas ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nasa pitong army officials maging ang mga kadete na unang sinampahan ng patung-patong na kasong kriminal sa korte ng Baguio City.
Ito ay mayroong kaugnayan sa nangyaring pagkamatay kay late PMA Cadet 4th Class Darwin Dormitorio ng Northern Mindanao dahil sa ginawa na ‘hazing’ ng ilan sa kanyang upperclass men noong mga buwan ng Hulyo,Agosto at Setyembre 2019.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni PMA Cadet Commandant Brigadier General Romeo Brawner Jr na bagamat umuusad na ang criminal offense laban sa mga kadete at ilan sa kanilang mga kasamahan ng AFP ay tatapusin pa ang military court martial proceedings kaugnay sa nangyari kay Dormitorio.
Inihayag ni Brawner na nasa loob na ng military prison ang mga kadete na sina 1st Class Cadet Rey Sanopao, 2nd Class Cadet Christian Zacarias,3rd Class Cadets Rey David John Volante, Julius Carlo Tadena, John Vincent Manalo, Felix Lumbag Jr at Shalimar Imperial habang naka-army court martial proceedings.
Dagdag ng opisyal na camp restricted naman sina resigned PMA Supt Ronnie Evangelista,Cadet Commandant Brig Gen Bartolome Bacarro maging ang tactical officers na sina Maj Rex Bolo at Capt Jeffrey Batisiana .
Maging sina PMA Station Hospital officials Capt. Flor Apple Apostol, Maj. Ofelia Beloy at Lt. Colonel Ceasar Candelaria ay kabilang rin sa camp restriction.
Magugunitang kabilang lamang sa mga nasampahan ng kasong paglabag ng anti-hazing law ay si Imperial at Lumbag.
Samantala,kinasuhan rin ng murder sina Lumbag,Imperial, Apostol,Beloy at Candelaria.
Nakaligtas naman ng kahit anumang pananagutan sina Sanopao,Volante,Manalo,Bolo,Batisiana, Evangelista at Bacarro.