(Update 1 ) CAGAYAN DE ORO CITY – Inamin ng pulisya na bumubuo ng PNP Bangsamoro Autonomous Region na nagulat sila at apektado ang kanilang moral dahil sa biglaang pagka-aresto ng kasalukuyan nila na regional director Police Brigadier General John Guyguyon mismo sa quarters nito sa Camp General Salipada Pentadun,Parang,Maguindanao.

Ito ang kinompirma sa Bombo Radyo ni Lanao del Sur Provincial Police Office spokesperson Police Maj. Alvison Mustapha patungkol sa nangyari sa kanilang top PNP official sa rehiyon.

Sinabi ng opisyal na mismo ang CIDG-BAR ang nagsilbi ng dalawang counts ng warrant of arrests kaugnay sa mga kasong syndicated estafa na nakahain sa dalawang korte sa National Capital Region.

Dagdag nito na umaasa sila na malagpasan ng heneral ang pagsubok na kinaharap nito sa kasalukuyan.

Bagamat top ranking police official,ipinakita naman ni Guyguyon na sinunod nito ang pag-uutos ng korte na kaharapin ang criminal cases na isinampa ng mga reklamante laban sa kanya.

NAGPALABAS ng kanyang statement si Police BGen. John Guyguyon kasunod ng pag-aresto sa kanya ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG kagabi.

Kasunod ito sa inilabas na warrant of arrest ng dalawang Regional Trial Court sa Quezon City dahil sa kanyang magkaibang kaso ng syndicated estafa.

“Nadamay lang po ako bilang incorporator. I had no hand in any collection or whatsoever. Nagpa custody na ako as good officer para maharap ko na din [ang] case. Maraming salamat po. Yan na muna po. I assure you po na wala tayo inagrabyado na tao and that my conscience is clear. Keep safe po”, ayon sa mensahe ni Guyguyon.

Bagama’t hindi na idinetalye ni Guyguyon ang iba pang impormasyon hinggil sa kanyang kaso, pero nilinaw nito na wala aniya itong kinalaman sa kanyang trabaho bilang mataas na opisyal ng PNP.

“By the way, this is not work related po. Was just trying to help noon kaso, ito nangyari.”

Nabatid na umupo bilang Regional Director ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region o PRO BAR si Guyguyon noong August 2022 at nakatakda sanang ilipat sa Office of the Chief PNP kahapon para sa kanyang bagong assignment.