CAGAYAN DE ORO CITY – Tila nawalan na umano ng pag-asa si PNP (Philippine National Police) Chief Director General Archie Gamboa na mabubuhay pa sa gitna ng pagsisikap ng mga piloto ng sinasakyang helicopter na makaiwas sana sa zero visibility location sa San Pedro, Laguna.
Ito ang paglalahad ni Police Regional Office-10 regional director B/Gen. Rolando Anduyan nang makausap nito ng personal si Gamboa habang naka-confine sa ospital dahil sa trahedya.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Anduyan na tanging mga katagang “mamamatay na tayo” ang huling salita na nabitawan ni Gamboa sa kanyang aide de camp na si Capt. Kevin Gayramara bago tuluyang bumagsak ang Bell 429 twin engine chopper.
Hindi na aniya umasa pa ang PNP chief na makakaligtas.
Dagdag nito na bagama’t ikinatuwa nito na hindi malubha ang tinamong mga sugat ni Gamboa, panalangin din nila na makarekober sina PNP Directorate for Comptrollership Major General Jovic Ramos at Director for Intelligence Major General Mariel Magaway na ‘comatosed’ nang dumating sa pagamutan.
Kung maaalala, patungo sana sa inspeksyon sa Calamba City ang team ni Gamboa mula sa unang aktibidad ng Highway Patrol Group kahapon ng umaga.