CAGAYAN DE ORO CITY – Tiniyak ng pamahalaang lokal ng Misamis Oriental na nasa ligtas pang kalagayan ang mga alagang baboy at maging ang mga karne nito na magagamit ng mga consumer kahit nakapasok ang African Swine Fever sa Pilipinas.
Ito ay kahit ipinapatupad na ni Provincial Governor Bambi Emano ang total ban sa swine products na makapasok na nagmula sa ibang mga rehiyon sa bansa mismo sa mga bayan ng lalawigan.
Ito ang dahilan na magkakaroon ng ‘pork boodle fight’ ang swine raisers kasama ang government officials upang ipakita sa publiko na ligtas ang mga karneng baboy na mabibili sa lalawigan at maging mismo sa Cagayan de Oro City.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Provincial Veterinary Office head Dr Benjie Resma na nasa 200 kilo nang inihaw na karneng baboy ang kanilang libre na ipapakain sa publiko kasabay ng Misamis Oriental Weekly Farmers Market sa kapitolyo probinsyal ngayong umaga.
Inihayag ni Resma na layunin ng boodle fight na ito na mapakalma ang pangamba ng publiko kaugnay sa panganib na dala ng ASF sa kalusugan ng tao.
Naitayo na rin ang Task Force Misamis Oriental African Swine Fever upang bantayan ang pagpasok sa lahat ng mga produktong baboy sa paliparan o kaya’y mga daungan ng lalawigan.
Magugunitang una nang ipinatupad ng lalawigan ang total ban ng swine products epektibo noong Setyembre 11 matapos kinompirma ni Department of Agriculture Secretary William Dar na kabilang na ang Pilipinas na napasukan ng AFS.