Mismong si Presidential Communications Office Press Officer Atty. Claire Castro ang naglinaw ng kanyang pangalan sa lumabas na mga ulat na diumano’y itatalaga siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang kasunod na Associate Justice ng Korte Suprema.

Nilinaw ng opisyal na walang kahit kaunting katotohanan ang naturang tsismis dahil hindi siya nagsumite ng anumang aplikasyon para sa naturang mataas na posisyon sa hudikatura.

Kaugnay kung sino ang itatalagang bagong Chief Justice ng Korte Suprema, nanawagan si Castro na huwag pangunahan ang pinal na desisyon ng Punong Ehekutibo.

Idinagdag ng opisyal na pare-parehong kwalipikado at mahusay ang mga kandidato, ngunit mayroon talagang isa na may natatanging kaalaman na pipiliin ng Presidente para sa naturang tanggapan.