CAGAYAN DE ORO CITY – Pinag-iingat mismo ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr ang publiko laban sa anumang pang-aatake na gagawin ng mga sakop ng Communist Party of the Philippines -New People’s Army (CPP-NPA) sa bansa.

Ito ay mayroong kaugnayan sa nalalapit na anibersaryo ng CPP sa darating na Disyembre 26 nitong taon.

Ginawa ni Esperon ang pahayag alinsunod rin sa nangyaring pananambang ng NPA rebels sa police patrol cars kung saan mayroong pulis at sibilyan ang nasawi at 17 pa ang sugatan sa Brgy. Libuton, Borongan City, Eastern Samar kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ng opisyal na ang ginawa ng mga rebelde ay patunay lamang walang kredibilidad ang CPP na harap-harapan pang nagmamakaawa na ibalik ang usaping pang-kapayapaan sa pagitan ng gobyerno.

Inihayag ni Esperon na hindi talaga mapagkatiwalaan ang CPP-NPA kaya pinaalerto ang militar at pulisya laban sa anumang pangggugulo na kanilang gagawin sa bansa.

Si National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr

Una rito,mariing konindena ng pamahalaang lokal ng Eastern Samar ang panibagong paghahasik kaguluhan ng CPP-NPA sa lugar.