CAGAYAN DE ORO CITY – Patuloy pa rin na pinaninindigan ni City Mayor Oscar Moreno ang kaniyang desisyon na hindi isailalim sa enhanced community quarantine o lockdown ang buong lungsod.
Ito’y kahit isang residente na ng lungsod ang nagpositibo sa coronavirus disease o COVID-19.
Ayon kay Moreno hindi makatutulong ang lockdown order sa pagpuksa sa nasabing virus.
Aniya, matigil lamang ang paglaganap ng nasabing virus kung susunod ang mga tao sa kaniyang panawagan na Stay at Home.
Itinuring na hospital center ang Cagayan de Oro sa buong rehiyon-10 kung kaya’t ayaw niyang ipagkait ang serbisyo ng Northern Mindanao Medical Center at Jr Borja General Hospital sa mga karatig na lugar.
Maaari ring maparalisar ang transportasyon ng lungsod at marami ang mawalan ng kabuhayan.
Napag-alaman na umakyat na sa 219 ang PUIs ng Northern Mindanao kung saan 122 nito ang naka-home quarantine; 21 ang admitted; 35 ang nadischarged; at 38 ang nakakompleto sa quarantine period.
Una nito, nagtala ng panibagong tatlong positibong kaso ng bayrus ang Department of Health mula sa lugar ng Northern Mindanao at Lanao del Sur kung saan isa sa Cagayan de Oro City at dalawa sa Marawi City.