CAGAYAN DE ORO CITY – Nagpapasalamat ang isa sa apat na sugatang police officers sa Panginoon na nabigyan pa sila ng pangalawang pagkakataong mabuhay.
Bunsod ito ng pagiging kasama ni PO3 Alberto Bernadas sa walong mga pulis na pinaulanan ng mga bala mula sa M16, M14, AK-74 rifle at M203 habang napalibutan sila ng apat na pulutong ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa loob ng police station sa Binuangan, Misamis Oriental.
Ito ang pagku-kuwento ni Bernadas sa Bombo Radyo habang nilalapatan ito ng medikasyon sa pribadong ospital ilang oras mula nang mailabas sa Binuangan Police Station na tadtad ng mga bala kahapon ng umaga.
Sinabi ni Bernadas na walo lamang sila, kasama ang ilang babaeng pulis, nang tinapatan nila ang “volume of fire” mula sa mahigit 100 NPA rebels na pumaligid sa kanilang tinaguang police station.
Inihayag nito na hinati sila ni station commander S/Insp. Dante Hallazgo ng tig-dalawa sa apat na magkakaibang direksyon para sagutin ang pag-atake ng mga rebelde.
Salaysay pa nito na rinig na rinig nila ang mga pagsisigaw ng mga rebelde na sumuko na raw sila dahil hindi nila matatapatan ang mga hawak nitong mga armas.
Sa kabila nito, hindi na sila tumugon pa sa mga taktika ng mga rebelde at patuloy ang kanilang pagpapaputok hanggang tuluyang nadismaya ang kalaban dahil hindi napasok ang himpilan para makuha sana ang mga baril.
Si Bernadas ay nasugatan sa kaliwang kamay at paa nang matamaan mula sa sharpnels ng M203 na ipinaputok ng mga rebelde.
Kaugnay nito, ginawaran ni PNP regional director C/Supt. Timoteo Pacleb ng Medalya ng Sugatang Magiting si Bernadas habang nasa loob ito ng pagamutan.
Sinabi ni Pacleb na sagot ng PNP ang lahat ng gastusin ni Bernadas at pagpapahingahin rin nila ito sakaling makalabas na sa pagamutan.
Maging si Hallazgo at ang ibang kasamahan nila ay nakatakda ring parangalan dahil lumaban sila nang harapan sa mga rebelde ma-idepensa lamang ang Binuangan Police Station.