CAGAYAN DE ORO CITY – Tinugis ngayon ng pulisya kasama ang militar laban sa grupo ng mga salarin na nasa likod nang pagpasabog ng improvised explosive devices (IEDs) sa tower no.14 ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Purok 3,Brgy Paiton,Kauswagan,Lanao del Norte.
Ito ay lalo pa’t nag-resulta nang pagkasawi ng isang pulis sa katauhan ni Police Chief Master Sgt Roseller Hangka ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) ng Lanao del Norte Provincial Police Office ang nabanggit na NGCP tower bombing kaninang madaling araw.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Police Regional Office 10 spokesperson Police Maj. Joann Navarro na nasa kasagsagan ng clearing operations ang tropa ng gobyerno sa explosion site kahit madilim pa ang lugar nang sumabog ang isa pang IED dahilan tinamaan si Hangka.
Mabilis na isinugod sa pagamutan ang biktima subalit hindi na kinaya nito ang mga sugat na kanyang natamo at tuluyang binawian ng buhay.
Sa ngayon,inaalam pa ng mga otoridad ang grupo na nasa likod nang pang-aatake at kung ano ang motibo ng tower explosion.
Magugunitang dalawang IEDs ang magkasunod na pinasabog ng mga salarin dahilan na bumagsak ang tore at sinundan ng follow up explosion habang nasa blast site na ang state forces.
Kung maalala,pinadapa rin ng armadong grupo ang NGCP tower sa katulad na bayan sa nakalipas na Oktubre 2022 subalit nasabugan-patay ang isa sa mga salarin na si Junjun Salic at lumalabas na land dispute ang motibo noon sa kremin.