CAGAYAN DE ORO CITY – Pini-presyur lamang ng gobyerno ang pamunuan ng giant TV network ABS-CBN upang papasok sa isang negosasyon bago tuluyan makakuha ng renewal sa kanilang franchise of operations sa bansa.
Ito ang nakikita ng kilalang political analyst na si Prof Ramon Casiple kung bakit umagaw eksena si Solicitor General Jose Calida alinsunod sa talakayan ng Kamara sa franchise renewal ng TV network.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Casiple na bagamat mayroong hawak na mga argumento si Calida nang inihain ang quo warranto petition sa Korte Suprema subalit hindi rin dapat maisantabi na trabaho ng Kamara ang usaping prangkisa para sa mga himpilan ng radyo at telebisyon.
Sinabi ni Casiple na kung anuman ang nais mangyari ng gobyerno para sa ABS-CBN ay mismo sila lamang ang nakakaalam.
Umiwas na rin ito na magbigay komento sa pangunahing layunin o motibo ni Calida subalit ang inaantay niya ay ang magiging epekto nito.
Kinontra naman nito ang pagsasabi na pagkitil ng malayang pamamahayag ang ginawa ng SolGen na maghain ng petition sa Korte Suprema bagkus ay hindi naman utusan ang mga mahistrado para dinggin na patas ang dalawang panig ukol sa usapin.