CAGAYAN DE ORO CITY – Naisampa na ng militar ang kasong paglabag sa Republic Act 9851 o war crimes laban sa dalawang grupo ng CPP-NPA-NDF sa Hall of Justice nitong lungsod kaninang umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni 403rd IB,Philippine Army commander Brig Gen Edgardo de Leon na ito ang pinakaunang pagkakataon na kinasuhan ng paglabag ng International Humanitarian Law (IHL) ang mga rebeldeng NPA na sakop ng sub regional committee 1 and 2 sa ilalim ng North Central Mindanao Regional committee.
Aniya, nag-ugat ang kaso nang hinarass ng mga rebelde ang mga barangay tanod na humarang sa kanilang ginawang pagsunog sa anim na sasakyan sa isang plantasyon ng palm oil sa Sitio Aurora sa Barangay Sto. Niño, Manolo Fortich Bukidnon noong Mayo 2019.
Sa nasabing pangyayari, isa sa nga miyembro ng tanod ang ginawang hostage umano ng mga rebelde pero pinakawalan rin makalipas ang tatlong oras.
Mabilis na rumesponde naman sa lugar ang pulisya nang matanggap ang report pero hindi na nila inabutan pa ang mga rebelde.
Tanging mga sunog na sasakyan na lamang ang nadatnan nila sa lugar.
Dagdag pa ni De Leon na may nakitang probable cause ang prosecutor sa nasabing kaso kung kaya’t naisampa nila ito sa RTC-Branch 25 sa Hall of Justice.