CAGAYAN DE ORO CITY – Iniimbestigahan na ngayon ang nangyaring pag-amok at panunutok umano ng baril ng dalawang sundalo sa loob ng isang karenderia sa may Purok 3, Barangay Poblacion, Damulog Bukidnon.

Kinilala ang mga suspek na sina PFC Ram Kevin Reynalda, 23-anyos, single, miyembro ng 89 IB, PA na nakabase sa Davao del Norte, residente ng Purok 1, San Isidro Damulog Bukidnon at PFC Romeluo Canobas, 24-anyos, single, miyembro ng 66 IB, PA sa Comval Province, at residente ng Purok 2, Pocopoco, Damulog Bukidnon.

Sa impormasyong ipinaabot ni Damulog Municipal Police Station commander Capt Mascardo Cuevas, nag-inuman sa loob ng karenderia ang dalawang suspek at dahil sa kalasingan, isang habal habal driver ang kanilang nakaaway na si Rogelio Coles, 28-anyos, may asawa, residente ng Purok 2 Kitingting, Damulog Bukidnon.

Matapos ang nangyaring mainit na argumento sa dalawang kampo, biglang nanutok ng baril ang dalawang sundalo sa biktima at pinagbantaan pa ito.

Agad na nagreport sa pulisya ang biktima dahilan upang nahuli ang mga suspek.

Nahaharap ngayon sa kasong grave threats at paglabag sa RA 10591 o illegal possession of firearms matapos walang maipakitang dokumento sa kanilang mga dalang baril ang dalawang sundalo.