CAGAYAN DE ORO CITY – Nilinaw ng mga personahe ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, Office of Building Officials at City Engineer’s Office na wala masyadong epekto sa mga gusali ang sunod sunod na pagtama ng lindol sa buong lungsod
Ito’y may kaugnayan sa tumamang magnitude 6.6 na lindol sa Tulunan, North Cotabato kung saan nakaranas ng intensity 6 na pagyanig ang Cagayan de Oro.
Una nang sinabi ni City Engineering Office head Engr. Roland Pacuribot na matapos ang dalawang sunod-sunod na pagyanig, nakatanggap sila ng mga tawag galing sa dalawang hospital, mga bangko, hotels, at paaralan upang ipasuri kung may mga bitak sa kanilang istruktura.
At dahil sa lakas ng impact ng unang lindol, napilitang magsara ang Centrio-Ayala Mall matapos maraming mga salamin at mga tiles ang nabasag sa loob lalong-lalo na ang opisina ng Teleperformance na sakop sa nasabing establisimiyento.
Umakyat naman sa lima ang nadala sa bahay-pagamutan matapos mahimatay habang suspendido ang lahat ng klase ng elementarya at high school sa mga pampublikong paaralan ng lungsod epekto sa nangyaring sunod-sunod na pagyanig.
Samantala, nakaramdam naman ng aftershocks ang Cagayan de Oro mga 4:33 pm ngayong hapon.