CAGAYAN DE ORO CITY-Ipinaabot ngayon ng bagong upo na pinuno ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na si Army Lt Gen Noel Clement sa publiko partikular sa mga magulang na matitigil na ang mga kaso ng hazing sa mga kadete sa loob ng Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City.
Ginawa ng heneral ang katiyakan kasunod ng pormal na pagpalit nito kay retired AFP Chief of Staff Maj Gen Benjamin Madrigal Jr sa turn-over of command sa Kampo Aguinaldo kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni AFP spokesperson Brig/Gen Edgard Arevalo na wala sa mga programa at patakaran ng PMA ang pagsagawa ng mga pagmaltrato o hazing sa mga kadete kaya hindi na ito mauulit pa.
Inihayag ni Arevalo na pinatitiyak ni Clement sa pamunuan ng PMA na hindi na masundan pa ang pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio nang pinagtulungang bugbugin ng kanyang upperclass men noong nakaraang linggo.
Kung maalala,tinanggal mula sa PMA rooster ang apat na kadete at kinasuhan ng kriminal matapos nakitaan ng basehan na responsable sa mga tinamo na pasa ng katawan ni Darwin kaya binawian ng buhay.
Una nang humingi ng hustisya ang pamilya ng kadete kung saan inihatid na sa kanyang huling himlayan sa Cagayan de Oro Gardens ng lungsod kaninang tanghali.