CAGAYAN DE ORO CITY – Kinumpirma ng pulisya ng Gingoog City Police Office na ang pagkabaon diumano sa utang ng isang opisyal ng barangay ang isa sa mga tinitingnan nilang motibo sa pagpatay nito sa may Purok Ramos, Barangay San Luis, Gingoog City.
Kinilala ang biktima na si Alexander Militante Mandamento, 47-anyos, isang Barangay Kagawad ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Gingoog City Police director Lt Col Ariel Philip Pontillas na binaril ng nakamaskarang suspek ang biktima habang nangungutang sa tindahan ng kanilang barangay treasurer na si Reynaldo Ariola.
Tinamaan sa kaniyang ulo ang biktima na siyang dahilan ng kaniyang agarang pagkamatay.
Una nang sinabi ni Pontillas na lumabas sa kanilang imbestigasyon na maraming pinagkakautangan ang biktima.
Ngunit, nilinaw nito na patuloy pa ang kanilang ginagawang imbestigasyon upang malaman ang totoong dahilan ng krimen at mahuli ang mga suspek.