CAGAYAN DE ORO CITY – Nahuli sa entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Mandaue ang dating bise mayor ng Cagayan de Oro dahil sa ‘double your money’ scheme sa Cebu City.
Kinilala ang suspek na si Caesar Ian Acenas, 43-anyos, residente ng Xavier Estates, Upper Balulang nitong lungsod.
Maliban kay Acenas, kasama sa mga nahuli sina Ailyn Hopre Matulac, 41, taga Green Meadows Subdivision, Barangay Tugbok, Davao City, ang itinuturong founder at chief executive officer ng kompanya; Arjon Gumban, 26, taga Poblacion M’lang, North Cotabato; Maria Esperanza Makinano, 34, taga Camp Alagar, Lapasan, nitong lungsod; at Adjetor Daya Jr., 35, taga Purok 6, Barangay Tugbok, Davao City.
Base sa report, nakatanggap ng mga reklamo ang pulisya may kaugnayan sa ginawang pangloloko umano ng Phoenix EA Holding International Incorporated sa mga investor nito.
Naging modus ng grupo ang paghikayat sa publiko na mag-invest gamit ang mga beauty products kung saan makatanggap sila ng 30 percent na return of investment makalipas ang 30 araw.
Napag-alaman din ng CIDG na hindi rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC)-Central Visayas ang nasabing scheme kung saan marami sa mga investor galing Davao City at Cagayan de Oro ang biktima nito gamit pa ang unang pangalan sa kompanya na Blitz Unlimited Incorporated.
Nasa P400 million na halaga ng pera ang nakubkob ng kompaniya galing sa mga ibat-ibang investor.
Sa ngayon, nahaharap sa kasong paglabag sa Section 28 sa Republic Act 8789, o Security and Exchange Commission Code, at illegal possession of firearms matapos mabawian ng baril ang body guard ni Matulac.