CAGAYAN DE ORO CITY – Personal na siyasatin ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu ang dahilan sa nangyaring pagsabog ng granada sa loob ng isang paaralan sa Initao, Misamis Oriental na ikinamatay ng isang pulis kahapon.
Ito’y upang malaman ni Cimatu ang totoong pangyayari kung bakit nagresulta sa pananaksak at pagsabog ang nangyaring iskandalo sa loob ng tanggapan ng DENR CENRO-Initao.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni DENR-10 Asst Reg Dir Aldrich Resma na malaki ang kaniyang paniniwala na planado ang ginawa sa napatay’ng suspek na si IEbrahim Ampaso Basher, 65-anyos, residente ng Madamba, Lanao del Sur.
Aniya, naging desperado ang suspek ng malaman niya sa loob ng opisina na hindi na maibabalik pa ang kaniyang trak at mga illegal na kahoy na unang nakumpiska ng ahensiya noong Marso 25.
Dagdag pa nito na nagbanta ang suspek sa harapan ni Forest Protection Officer Forester Abby Asok kung saan ipinakita nito ang kaniyang dalang granada dahilan upang nagsitakbuhan ang mga empleyado ng ahensiya at isang Forest Ranger Tito Bagares ang nasaksak sa kaniyang leeg matapos nito pigilan ang suspek na mabunit ang pin ng granada.
Kung maalala, rumesponde ang mga pulis sa pag-amok ni Basher at habang hinuhuli siya, nabitawan nito ang dalang granada.
Nasawi si Police Master Sgt Jason Magno sa pagsabog habang napatay naman si Bashier nang mabaril ng mga rumerespondeng pulis.
Kabilang naman sa mga nasugatan ay mga estudyante ng paaralan.