CAGAYAN DE ORO CITY – Nagngangalit sa galit ang pamilyang Mabao matapos sinunog ng isang miyembro ng kanilang pamilya ang pinag-iingatan nilang ancestral house sa may Zone 2 Barra Opol, Misamis Oriental.

Detinado ngayon sa bilangguan ang suspek na si Mark Mabao, 36-anyos, at residente sa nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng tiyuhin ng suspek na si Rey Mabao na matagal nang pinagpaplanuhan ng suspek ang pagsunog sa kanilang bahay ngunit kanilang napigilan.

Aniya, pinagpipilitan ng kaniyang pamangkin na sunugin ang bahay dahil nagdala ito ng kamalasan sa kaniyang buhay kung kaya’t palagi siyang sawi sa pag-ibig at hindi makahanap ng magandang trabaho.

Malaki ang paniniwala ni Mabao na insecure ang kaniyang pamangkin sa kanilang pamilya lalo pa’t ito lang ang hindi nakatapos sa pag-aaral at walang trabaho.

Desidido ngayon ang pamilyang Mabao na kasuhan ng arson ang suspek.

Napag-alaman na aabot sa P300-mil ang danyos sa nasabing sunog.