CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang mag-asawa matapos mabangga ng prime mover truck sa may Lasang Highway Initao, Misamis Oriental.

Kinilala ang mga namatay na sina Tito Tecson, 48-anyos at ang maybahay nito na si Roselia Tecson, kapwa residente sa may Barangay Iponan nitong lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Police Lt. Noli Maderse, deputy commander ng Initao Police Station na nangyari ang madugong aksidente nang mag-overtake ang sinasakyang motorsiklo ng mag-asawa.

Nawalan ng kontrol si Tito sa minamaneho nitong motor kung kaya’t gumulong sila sa gitna ng daan at nabangga ng tumatakbong trak na minamaneho naman ni Rey Oran, residente ng Bagong Taas, Valencia City Bukidnon.

Nagtamo ng maraming sugat sa katawan ang mga biktima na naging dahilan ng kanilang agarang pagkamatay.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at damage of property ang driver ng trak.