CAGAYAN DE ORO CITY – Ikinatuwa ng environment watchdogs ang anunsiyo ng Bureau of Customs (BOC)-10 na ibabalik na sa South Korea ang mga natitirang basura ng Verde Soko na na-repack sa Misamis Oriental simula Enero 19 at Pebrero 9 nitong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Ecowaste Coalition chairperson Aileen Lucero na kanilang babantayan hanggang makakarating sa South Korea ang 5,177 metric tons na basura.
Subalit, nilinaw ni Lucero na seryoso ang South Korean government na mapabalik sa kanilang lugar ang mga basura lalo pa’t sila ang nagbabayad sa barko na kargahan nito.
Aniya, ang kumpletong pag-alis ng mga natitirang basura ay makakatulong sa pagwawasto ng matinding kawalang-katarungan sa kapaligiran na ginawa sa mga Mindanaoans partikular at mga mamamayang Pilipino sa pangkalahatan.”
Napag-alaman na ang mga i-import na basura ay ang natitira sa 6,500 metriko toneladang mga basurang plastik na na-import ni Verde Soko noong 2018 dito sa Misamis Oriental.
Gayunpaman, nakumpiska ito ng BOC dahil sa maling deklarasyon pati na rin ang kabiguan ng kumpanya na makakuha ng isang import permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).