CAGAYAN DE ORO CITY – Nahaharap sa kasong parricide ang isang mister matapos nitong pinatay ang sariling misis dahil sa sobrang selos sa bayan ng Catarman, probinsiya ng Camiguin.

Kinilala ang suspek na si Ryan Palin, 30 anyos at residente ng nasabing lugar.

Sinabi ni Police Captain Gumer Ladera, hepe ng Catarman Police Station na lumabas sa kanilang imbestigasyon na matinding selos umano ang nag-udyok sa suspek upang pagtatagain patay ang kaniyang misis na si Jen Palin.

Nangyari umano ito nang mag-away ang mag-asawa dahil nakita ni mister ang kaniyang maybahay na nakipag-usap sa mga lalaki.

Nakita na lamang ang bangkay ng biktima sa loob ng kanilang bahay na naliligo sa kaniyang sariling dugo at wala ng buhay.

Mabilis namang naaresto ng pulisya ang suspek matapos itong magtago sa isang barangay dito sa Cagayan de Oro.