CAGAYAN DE ORO CITY – Ikinaalarma ng ilang opisyal ng lungsod ang biglang pagkaubos ng suplay ng N95 mask sa mga establisimiyento.
Ito’y kahit hindi apektado sa ash fall ng Taal volcano ang Cagayan de Oro.
Ayon kay City Councilor George Goking, chairman ng trade and commerce committee ng konseho lungsod na makipagpulong siya sa mga business operators na nagbebenta ng mga face masks upang mahingi-an ng paliwanag kung bakit nagkulang ang suplay nito dito sa lungsod.
Sa ginawang paglilibot ni Goking sa mga tindahan, sinabi ng mga saleslady na mabilis ang pagkaubos ng mga mask dahil kahon-kahon itong binili ng mga konsumante para ipadala sa kanilang mga kamag-anak na apektado ng pagsabog ng bulkang Taal.
Napag-alaman na nasa P35 hanggang P65 ang presyo ng bawat N95 mask dito sa lungsod.