CAGAYAN DE ORO CITY – Kinumpirma ng pulisya ang umano’y pagpupulong ng mga opisyal at kasapi ng Kabus Padatoon (KAPA) sa iilang lugar sa Bukidnon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Valencia City Police director Lt Col Surki Serenias na iilang beses na nangyari ang pagpupulong ng KAPA sa kanilang lungsod.

Ito umano ang dahilan kung kaya’t kanilang isinasagawa ang mahigpit na monitoring lalong-lalo na’t may natanggap silang ulat na may isinagawang re-entry sa lahat ng mga kasapi ng grupo.

Ayon kay Serenias, hindi sila mag-atubili sa pag-aresto sa mga kasapi ng KAPA kung kanilang mapapatunayan na mayroong mangyayaring pay-in at pay-out na siyang ipinagbabawal ng korte.

Muli nitong iginiit na hanggang ngayon ay wala pang kautosan mula sa korte para sa pagbabalik sa illegal na operasyon ng KAPA.