CAGAYAN DE ORO CITY – Patuloy pang hinahanap ng pulisiya ang mga suspek sa brutal na pagpatay sa isang pulis at sibilyan sa Purok 6-B, Brgy. Santiago, Iligan City kagabi.

Kinilala ni Police Maj. Rixell Torayno, hepe ng Iligan City Police Station 1 ang mga biktima na sina Police Corporal Samuel Banuelos, 42, may asawa at naka-destino sa Sagiaran Police Station sa Lanao del Sur at JunJun Sanchez, 43, kapwa residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Maj. Torayno na pinasok ng hindi kilalang mga armadong tao ang bahay ni Corporal Banuelos at walang habas na pinagbabaril ang mga ito gamit ang kalibre 45 na armas.

Tadtad ng bala ang katawan at ulo ng mga biktima na naging sanhi ng kanilang kamatayan.

Naniniwala naman si Maj. Torayno na may kinalaman sa illegal drugs ang pagpaslang sa mga biktima dahil nasa drug watchlist ng PNP at PDEA ang mga ito.