CAGAYAN DE ORO CITY – Nagtaka pa rin ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa motibo kung bakit nag-amok ang isang scalawag soldier at biglang namaril sa kaniyang mga kasamahan sa Sitio Banisilan,Barangay Bandaraingud,Pagayawan,Lanao del Sur.
Sinabi ni AFP Western Mindanao Command spokesperson Maj Arvin Encinas sa Bombo Radyo na patuloy pa rin nilang pinaghahanap ang suspek na si Cpl Nao Mohammad Lassam.
Tumakas si Lassam matapos ang ginawang krimen kung saan kaniyang napatay ang kasamahan nito sa 55th IB,Philippine Army na sina 1Lt Mark Linne Banua at Sgt Jhankjihan Carumba.
Gamit ang M4 assault rifle, pinaulanan ni Lassam ng mga bala ang kaniyang kasamahan habang nagsagawa ng clearing operations na ikinasugat naman nila PFCs Roger Amihan, Nielo Rubiato, T/Sgt. Randy Esmade na nadala sa Amai Pakpak Medical Center ng Marawi City habang si PFCs Jovanie Calaguian at Therenz John Francisco na isinugod rin sa Iligan hospital.
Sa ngayon, nagsasagawa na ng sariling imbestigasyon ang militar kung ano ang nag-uudyok sa suspek na magwawala.