CAGAYAN DE ORO CITY – Nasa ligtas nang kalagayan ang tatlong pulis na sugatan sa pananambang ng pinaniniwalaang New Peoples Army (NPA) sa KM 26, Barangay Tikalaan, Talakag Bukidnon kaninang umaga.

Ito ang kinumpirma ni Police Lt. Romel Pagara ng Talakag Municipal Police Station sa panayam ng Bombo Radyo.

Ayon kay Pagara na patuloy na ginagamot ngayon sa Polymedic Medical Plaza nitong lungsod ang mga sugatang pulis na sina PCapt. Ramil Gighe, Police Staff MSgt Giovanni Malinab at Police Corporal Jerwin Genilla.

Kinumpirma rin ni Pagara na binawian ng buhay ang isa pang pulis na si PCpl. Roel Sumaylo dahil sa maraming tama ng bala na kaniyang natamo.

Ang nasabing mga pulis ay nagsilbing escort ni Eastern Mindanao Command Police Brigadier General Joselito Salido nang sila’y tambangan habang binabaybay ang KM 26, Barangay Tikalaan, Talakag papuntang Don Carlos Municipal Police Station.

Hindi naman nasaktan ang heneral sa nasabing insidente.

Sa ngayon, sinabi ni Pagara na nagpapatuloy ang joint manhunt operation ng pulisya at militar laban sa tumakas na mga suspek.

Naka-lockdown din ngayon ang ambush site dahil sa maraming mga landmines na itinanim ng mga rebelde sa kanilang pagtakas.