CAGAYAN DE ORO CITY – Puspusan umano ang pagsisikap ng mga otoridad na mahanap ang mga kaanib ng isang relihiyosong grupo na itinurong nasa likod ng pinakaunang kaso ng corona virus disease na nakapasok sa South Korea.
Ito ang isinalaysay ng Bombo international corrrespondent na si Nellie Talanas na taga- El Salvador City,Misamis Oriental na nakabase sa Daego kaugnay kung paano nagsimula mapasok ang South Korea ng bayrus.
Inihayag ni Talanas na isa umanong babaeng Koryana ang nagdala ng bayrus matapos itong dumalo sa isang pagtitipon nila sa kanilang relihiyon sa China.
Kuwento ni Talanas na matapos umanong umuwi ang nasabing babae ay pumunta sa iba’ibang lugar sa Korea kaya napabilis ang pagkalat ng bayrus at marami ang dinapuan ng sintoma.
Bagamat naaresto na umano ang babaeng ito subalit hirap ang mga otoridad pag-contact trace sa mga taong nakasalamuha dahil sa sobrang dami ng kanyang mga kaanib ng relihiyon na napasukan nito.
Katunayan pa umano ay ipinasara muna ng South Korean authorities ang mga lugar at mga gusali na napuntahan ng hindi pinangalanan na Koryana.
Magugunitang iniulat ni Talanas na halos nasa 1,700 katao na ang positibo ng bayrus kung saan 11 Koryano na ang nasawi at isang Mongolian foreign worker .