CAGAYAN DE ORO CITY – Ipinag-utos ni Lanao del Sur Provincial Governor Mamintal ‘Bombit’ Adiong Jr sa nasasakupang mga ahensiya na aasikasuhin ang higit 3,000 pamilya na apektado ng malawakang pagbaha na tumama sa apat na bayan ng kanilang lalawigan nitong linggo lamang.
Kasunod ito ng walang tigil na pagbuhos ng mga pag-ulan na nagbigay perhisyo sa mga pamilya na nakabase sa 40 na barangay sa lugar.
Kabilang sa mga pinasok ng tubig-baha ang mga kabahayan na nasasakupan ng Marogong, Kapatagan, Balabagan at Malabang kung saan nakabase ang higit tatlong libong pamilya.
Nagtala rin ng isang residente ang kompirmadong patay at dalawang bata pa ang missing nang matangay ng tubig-baha ang kanilang bahay.
Samantala,pinangunahan naman ng provincial elected officials ang pamimigay ng mga tulong katulad ng pagkain at ibang kagamitan para sa mga residente nakisilong sa mas ligtas na mga lugar mula sa flooded area.
Marami na rin sa mga kabahayan ng mga nabanggit na munisipyo ang nasira partikular sa bayan ng Kapatagan dahil sa kalamidad.