CAGAYAN DE ORO CITY – Nahuli ng pulisya ang sinasabing principal suspek ng pananaksak sa nangyaring kagulohan na kinasasangkutan ng limang binatilyo sa Zone 4, Molugan El Salvador City Misamis Oriental.

Kinilala ang suspek na si John Vincent Palma, 18-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni El Salvador City Police Station commander Lt. Col. Randy Anito na nangyari ang kagulohan nang pinagtutulongan ang suspek na bugbugin ito ng kaniyang mga kainuman.

Aniya, self-defense lamang ang ginawa ni Palma kung kaya’t nasaksak nito ng maraming beses ang kasamahan na si Romiel Pudadera, 20-anyos na siyang dead on arrival sa hospital habang kritikal naman si John Glen Lumocso, 19 anyos na kabilang sa gumulpi sa kaniya.

Dagdag pa ni Anito na pawang magkakaibigan ang mga binatilyo at dahil sa kalasingan nangyari ang krimen.

Nahaharap ngayon sa kasong murder at frustrated murder ang nahuling suspek.