CAGAYAN DE ORO CITY – Sasabak na ang mga boksingerong Pinoy laban sa kani-kanilang mga mahigpit na karibal kaugnay sa nagpapatuloy na Southeast Asian Games 2019 sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City mamayang alas 3:00 ng hapon.
Kinompirma sa Bombo Radyo ni Cagayan de Oro Boxing Team coach Elmer Pamisa na si 2017 SEA Games bronze medalist Carlo Paalam ang pinakaunang sasabak sa bakbakan laban sa boxing silver medalist Khamsatone Khampouvanh na nagmula sa bansang Laos.
Inihayag ni Pamisa na bagamat kinatatakutan ng ibang SEA Games boxing contenders si Khampouvanh subalit hindi na bago kay Paalam ang kanilang laban mamaya.
Naikuwento kasi ng boxing coach na dati na ring natalo ng Cagayan de Oro boxing pride na si Paalam si Khampouvanh sa invitational boxing match dito sa Asya.
Bagamat,humingi pa rin ng suporta at dasal ang boxing team ng Pilipinas mula sa taong-bayan na magtagumpay ang kanilang kampanya sa SEA Games nitong taon.
Naikuwento pa raw ni Paalam na kailangang magka-gold medal umano ito ngayong taon upang mapaghandaan rin ang pagsali sa darating na Olympics.