CAGAYAN DE ORO CITY – Hinamon ni Security and Exchange Commission -10 regional director Atty Reynato Egypto ang grupo ni Kabus Padatoon (KAPA) Community Ministry International Incorporated founder Joel Apolinario na huwag magtago at harapin ang mga kasong kriminal na isinampa ng gobyerno laban sa kanila.
Ito ay matapos ipinag-utos ni Regional Trial Court (RTC) Branch 29 Presiding Judge Lilibeth Ladaga sa mga otoridad na arestuhin ang grupo ni Apolinario dahil sa kasong paglabag ng Republic Act 8799 o Securities Regulation Code (SRC) dahil pinasok nila ang investment taking na walang secondary permit sa Bislig City,Surigao del Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Egypto na pagkakataon na ito ni Apolinario upang masagot ang mga akusasyon na umano’y nanloloko sila sa taung-bayan.
Inihayag ni Egypto na bagamat bailable ang mga kaso na kanilang inihain subalit natutuwa na rin sila dahil pinakauna itong hakbang ng gobyerno na direktang tinamaan ang KAPA.
Magugunitang kabilang sa ipinag-utos na ipaaresto ay ang maybahay nito na si Reyna Apolinario at maging ang iba nila na mga opisyal na sina Margie Danao Marisol Diaz, Adelfa Fernandico, Moises Mopia at Reniones Catubigan.
Kung maalala,mismo si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagbigay abiso sa publiko na itakwil ang KAPA dahil ilegal ang mga ginawa nito na pangungulekta ng pera mula sa mga miyembro sapagkat wala itong pagnugot mula sa pamahalaan.