CAGAYAN DE ORO CITY – Posibleng matanggalan ng lisensya ang AY76 security agency na nakabase sa probinsiya ng Misamis Oriental.
Ito’y matapos nadis-armahan ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) ang lima nitong mga gwardiya na siyang nagbabantay sa quarry site ng Minery Power Plant sa bayan ng Balingasag nitong lalawigan.
Inihayag ito ni Police Regional Office (PRO)-10 spokesperson Police Lt.Col.Mardi Hortillosa matapos inutos ni PNP chief General Oscar Albayalde ang malalimang imbestigasyon sa nasabing pangyayari.
Gusto umanong malaman ng PNP chief kung may pagkukulang o hindi tinupad ng mga gwardiya ang kanilang tungkulin sa pagbabantay sa kanilang area of responsibility.
Napag-alaman na nakuha ng mga rebelde mula sa mga gwardiya ang limang AK47 assault rifles, radio transceiver sets, at iba pang mga gamit.
Gusto rin malaman ni Albayalde kung bakit hindi nakapanglaban ang mga gwardiya sa 15 rebelde na lumusob sa kanilang binabantayan na quarry site kahit na armado ang mga ito sa matataas na kalibre ng mga armas.